Quis custodiet ipsos custodes? Sino ang magmamatyag sa mga tagapagmatyag?
Umpisa pa noong administrasyon ni Pangulong Elpidio Quirino, mayroon nang mga inisyatiba upang lumikha ng isang tanggapang titiyak sa tamang asal at pananagutan ng mga lingkod-bayan. Maraming mga presidente pagkatapos niya ang bumuo ng mga tanggapan na sa kalaunan ay ipinasara din.
Halimbawa, ang Integrity Board ni Pangulong Quirino noong 1950 ay umiral lamang nang anim na buwan. Pagkatapos, noong 1953, itinatag ni Pangulong Ramon Magsaysay ang Presidential Complaints and Action Committee, na pinamunuan ni Manuel Manahan upang tugunan ang mga sumbong mula sa publiko. Ang nasabing tanggapan ay ipinabuwag ni Pangulong Carlos P. Garcia, na siya namang nagpasimula ng Presidential Committee on Administration, Performance, and Efficiency. Ito naman ay napalitan ng Presidential Anti-Graft Committee ni Pangulong Diosdado Macapagal, na napalitan din ng Presidential Agency on Reforms and Government Operations na itinatag ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Sa mga pagtatalong nangyari sa 1986 Constitutional Commission, nagkaroon ng pagsangguni sa mga mungkahing nasa 1971 Constitutional Convention, na magtatag ng isang independiyenteng tanggapan na nakadisenyo ayon institusyon ng Ombudsman ng mga Scandanavian. Nagsasalaysay ang talumpati ng Europeong Ombudsman noong 1996ng isang maikli ngunit komprehensibong kasaysayan ng pinagmulan ng institusyon:
Mula sa Sweden ang konsepto ng Ombudsman. Sa ginawa nitong reporma sa konstitusyon noong 1809, napagpasyahan ng Sweden na lumikha ng isang mataas na opisyal pambatas na itatalaga ng Parlamentaryo, at tatawaging “Kataas-taasang Ombudsman” upang pangasiwaan ang legalidad ng mga gawain ng pamahalaan sa kalahatan. Ang kahulungan ng katagang “Ombudsman” ay kinatawan; sa kasong ito, ang Ombudsman ang “kinatawan” ng mga taong nagsusumbong ukol sa masasamang gawain ng pampublikong pamahalaan.
Napakalawak ng saklaw at napakalakas ng kapangyarihang iniatas sa Swedish Ombudsman, gayun na rin sa Finnish Ombudsman na itinatag sa Finnish Constitution ng 1919. Hindi lamang sakop ng awtoridad na ito ang buong pampublikong administrasyon, estado, at munisipalidad, subalit pati na rin ang pagmamatyag sa mga gawain ng hukuman, hangga’t tungkol sa kanilang pamamaraan at pamamahala sa trabaho.
Ang mga Ombudsman ng Sweden at Finland, na kalimitang tinatawag na mga klasikong Ombudsman, ay mayroon ding kakayahang isakdal o pagpasyahan kung dapat bang isakdal ang isang lingkod-bayan sa harap ng hukuman dahil sa kriminalidad. Nagagamit ang posibilidad na ito iilang beses lamang sa bawat taon, subalit binibigyan, siyempre, nito ng dagdag na tindi ang mga pahayag at opinyon na isinasapubliko ng Ombudsman. Libre at walang bayad ang makipag-ugnayan sa isang Parlamentaryong Ombudsman. Maaaring dumulog sa Ombudsman sa pagpapadala ng sulat o pagkausap mismo rito; kung kakailanganin, maaari pang alalayan ng isang kawani ang isang dumudulog upang isulat ang kanyang sumbong.
Ang sumunod na tanggapan ng Ombudsman ay itinatag sa Denmark noong 1953, nang may mahahalagang pagbabago mula sa modelo ng Sweden. Pinagtuunan lamang ng pansin ng modelo ng Denmark ang pampublikong pamamahala, kung saan inalis sa sakop nito ang hudikatura, at espesyal nang nakatuon sa masasamang pamamahala sa mga gawain ng administrasyon.
Sa konteksto ng Pilipinas, ang tagapagpauna ng kasalukuyang Tanggapan ng Ombudsman ay binuo noong 1978, noong lumikha si Pangulong Ferdinand E. Marcos ng mas pangmatagalang Tanggapan ng Ombudsman, na nakilala bilang Tanodbayan, sa bisa ng Presidential Decree No. 1487. Paglipas ng ilang panahon, inamyendahan din ito gamit ang Presidential Decree No. 1607.
Ang Tanggapan ng Ombudsman na kilala natin ngayon ay itinatag ng 1987 Konstitusyon, na nagpataw ng mas mataas na antas ng pananagutan sa mga tauhan ng pamahalaan batay sa prinsipyong “ang posisyong pampubliko ay tiwala ng publiko.”
Post a Comment